COC-Certified
Outrageous College
"Matakot ka sa buhay,
'wag sa PATAY!
'Yan ang mga salitang laging
pinapaalala sa akin ni lola. Ang patay, wala na raw magagawa. Kapag ang isang
tao ay pumanaw na't nakalibing na, tahimik na raw ang kaniyang kaluluwa.
Pinaniwalaan ko ang mga
pahayag niyang ito. Pinanindigan kong walang MULTO. At lalong walang
NAGMUMULTO. Siguro ang ibang tao ay nakakakita nga ng mga bagay na ito, bukas
raw ang 3rd eye nila. Pero ako, ilang taon nang nabubuhay sa mundo, wala namang
nararanasang nakakapanindig-balahibo. Ang masasabi ko lang na mga nakakatakot
para sa akin ay ang mga mababangis na hayop at ang mga "terror
teachers". Awra pa lang nila, kakabahan ka na. Masalubong mo lang sila sa
daan, nakakatakot na. At lahat sila’y buhay.
Imbis na magpaapekto sa
kanila, mas sinipagan ko pa lalo ang pag-aaral. At least marami akong matutunang
bagay para sa kinabukasan ko. Kaysa naman makinig sa mga usapang kababalaghan,
(na wala namang katuturan), mas maganda pang makinig sa propesor mong
nagtuturo. Tatalino ka pa.
Para makapagpokus nang husto,
nagtutungo ako ng library. Bukod sa tahimik 'yon, magiging kumportable ka pa
dahil sa libreng air-conditioning. Sarap ng buhay di ba?
Masaya na sana eh, kaso bigla
kang makakarinig ng mga usapang kababalaghan. Acheche! Ano kaya 'yun!!? Tapos
malalaman mo na lang na ang library raw ay pugad ng katatakutan, mga
mapanirang-puri! Pinapagamit na nga ng libre, may instant aircon pa, tapos
sisiraan pa ang library? OM!
Pero lahat ng iyon ay kinumpirma
mismo ng librarian. Mayroon daw talagang kaluluwang ligaw sa loob ng library.
Nararanasan niya raw sa kaniyang pag -iisa sa loob na bigla na lang daw nagbabagsakan
ang mga libro mula sa iba't ibang book shelves. Ganun? Kaloka naman!
Gusto kong maniwala, pero ako
mismo ay hindi naman nakakaranas ng ganoon. Ako yata ang kinakatakutan ng mga
multo-kuno!
Itong malupit dyan! Ultimo
mga kaklase ko raw pinagparamdaman na rin daw sa library. Mga bandang 9:00 pm
'yun at nagsasanay sila ng sayaw para sa finals ng Humanities. Babae silang
lahat. Sila na lang yata ang mga tao sa loob ng Colle of Communication (COC)
noong mga panahong iyon.
Bigla raw nagbagsakan ang mga
libro sa library! At ang bukas na parte ng isang bintana ay bigla na lamang
sumara. At ang isa naman sa kanila ay nakarinig ng malakas na palakpak sa 1st
floor ng kolehiyo. Ayun, wala nang usap-usap, nagtakbuhan na sila.
Dahil sa kuwento nilang iyon,
medyo natakot rin ako. Eh paano kung habang nasa library ako ay bigla ring
magparamdam sa akin 'yung multo? Anong gagawin ko? Tatakbo palabas ng library o
sisigaw pa rin kahit na may “Observe Silence “na batas?
Haist! Maraming salamat kay
Lord at natapos ko na naman ang isang school year na walang nangyaring kakaiba
sa buhay ko. Buti na lang at walang multong nanggugulo sa akin.
Bakasyon na ng lahat ng
estudyante. Ang iba, happy -happy na sa mga bahay nila. Ang iba naman ay
bumibiyahe na pauwi ng kani -kanilang probinsya. Pero kaming mga nasa ikalawang
taon ng kursong Communication Research, hindi pa handang magbakasyon. Tinatapos
pa kasi namin ang isa naming subject.
Lahat kami ay nasa COC. Bawat
miyembro ng grupo ay kumpleto. Lahat kami ay desperado nang tapusin ang subject
na Deveolpment Communication (DevCom). Gustung-gusto na talaga naming
magbakasyon.
Dumating ang tanghaling
tapat. Napakainit na ng panahon. Pinili ko munang mapag -isa. Tumambay muna ako
sa opisina ng COC Ensemble. Sarado na kasi ang library. Tsaka medyo natatakot
na rin ako doon.
Open 24 hours ang opisinang
iyon. Bukas na bukas ito sa lahat. Kurtinang itim lamang ang nagsisilbing
pintuan nito. Biro nga ng iba, kapag hinawi mo raw ang kurtinang iyon,
makakarating ka na raw sa impiyerno. Sa loob naman nito, may dalawang kuwarto
kang makikita. Isa sa mga ito ay sarado at nakakandado pa. (‘Yun yata ang
papuntang langit. Haha!)
Buti na lang at may ceiling
fan sa ensemble. Kahit paano, nagiging presko ang pakiramdam ko. Naki-charge na
rin ako ng tablet kong lowbat na lowbat.
"PAK-PAK-PAK!", ang
tunog ng bubungan ng ensemble. Akala ko kung ano na. Kinukumpuni pala ang
bubungan.
Maya -maya'y bigla na lang
akong nakarinig ng tunog. Hindi ko malaman kung saan nanggagaling. Naalala kong
may gumagawa nga pala sa bubungan.
Dinedma ko na lang.
Kaso hindi pala iyon
basta-bastang tunog lamang. Bigla na lamang itong lumalakas, at dahil doo'y
nalaman ko ang pinanggagalingan nito: SA SARADONG KUWARTO! Sino kayang matinong
tao ang magkukulong sa kanyang sarili sa kuwartong iyon?
MALIBAN NA LANG SIGURO KUNG
KALULUWA SIYA!
Medyo bumilis ang tibok ng
puso ko. Gusto ko nang umalis. Kaso naisip ko ang lowbat kong tablet.
Tinapangan ko na lang ang loob ko. Kinausap ko pa ang kaluluwa ng ganito:
"Makiki-charge lang po ako, saglit lang po." Biglang nawala ang
nakakatakot na tunog. Tumahimik na ako.
Akala ko doon na matatapos
ang pagpaparamdam na iyon. Hindi pa pala.
Matapos ang pagkatok, bigla
na naman itong nagparamdam. NAGKALAMPAGAN NAMAN ANG MGA GAMIT SA LOOB NG
SARADONG KUWARTO. Parang ayaw nitong may taong tumatambay sa opisinang iyon. Tuluyan
na akong umalis.
Dahil sa pangyayaring iyon, agad
ko ring nalaman ang kuwento sa likod ng kaluluwang nagparamdam sa akin.
Nalaman ko mula sa isang
kaklaseng miyembro rin ng COC Ensemble na ang nagparamdam sa akin ay isang
bata. Minsan na rin daw itong nagparamdam sa kanila. Ayon pa sa kanya, may
isang babaeng pumulot ng isang gamit na nalaglag nang bigla na lang daw itong
nagpakita sa kanya. Dahil dito'y hinimatay ang dalaga. Masuwerte pa rin ako't
di siya nagpakita sa akin!
Iba't ibang kuwento na rin ng
kababalaghan ang nalaman ko mula noon. Sa Room 104 raw ay may nagpaparamdam na
dalaga. Siya raw si Mabel. Ayaw niya raw ng tahimik at nakakaantok na klase.
Kinokopya rin daw ng dalaga ang anyo ng ibang estudyante. Sa pasilyo naman ng
Bachelor in Journalism (BJ) ay mayroon namang.kaluluwang padaan-daan lamang. At
maging sa PUP Main rin daw ay mga nagpaparamdam.
Hindi naman masamang maniwala
sa mga kuwento ng katatakutan. Tulad ko na pinapagparamdam na ng mga kaluluwang
ito, masasabi kong nakakasindak talaga sila. Nakakasindak dahil di mo alam kung
kailan sila magpaparamdam at kung ano ang gagawin nila sa iyo. Di mo alam kung
anong dahilan ng kanilang pagpaparamdam.
Sa karanasan kong iyon,
natutunan ko ang isang mahalagang bagay: Igalang natin ang lahat ng tao, buhay
man siya o patay na.
Ngunit kahit na ganoon,
tandaan nating pinakamalakas na pananggalang sa lahat ng bagay ang Dakilang
Panginoon. Sa pamamagitan ng ating taimtim na pananalangin, makakaasa tayong
tutulungan Niya tayo lalo na sa panahong hirap na hirap na tayo. Manalig tayo
nang buong puso sa Kaniyang magagawa.
-- Marlon Reyes